
CAUAYAN CITY – Hinimok ng Kontra Daya ang mga mamamayan na makipagtulungan sa pagbabantay at isumbong ang mga politikong lumalabag sa mga panuntunan ng COMELEC kasabay na ng pagsisimula ng pangangampanya ng mga National Candidates.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Professor Danilo Arao, convenor ng kontra daya na ilan lamang sa iba’t ibang porma ng pandaraya ay ang red tagging, mis-used and abused of government resources, vote buying at iba pang violations sa mga health protocols hinggil sa pagsasagawa ng campaign rallies.
Sinabi pa ni Professor Arao na ang vote buying ay hindi lamang sa usapin ng cash transactions kundi maaaring sa pamamagitan ng pamimigay ng mga mamahaling gadgets o bagay kapalit ng boto.
Sa ilalim ng election rules ang maari lamang ipamigay ay ang T-Shirts, ballpen, pamaypay o mga mumurahing bagay.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpapa-raffle.
Inamin din ni Professor Arao na walang nakakasuhan sa vote buying dahil mahirap patunayan dahil takot ang sinumang magrereklamo na hindi naman nila masisisi.
Kung sakaling buong tapang na haharap ang magrereklamo ay kailangan din naman nitong patunayan tulad na lamang ng pagkuha ng video na namimigay ng pera ngunit maari pa ring malusutan ng kandidatong bumibili ng boto.
Kahit mahina ang batas kaugnay sa vote buying ay hindi naman ito hadlang sa COMELEC para ibunyag ang mga kandidato o political parties na nakuhanan ng mga ebedensiya ng larawan, video at testimonya ng nakasaksi.
Kapag nagkaroon ng public shaming ang COMELEC sa mga kandidatong sangkot sa vote buying ay maaring matitigil na ang kanilang ginagawang pagbili ng mga boto.










