CAUAYAN CITY– Ipapamahagi na ang mga sentinel pigs sa lunsod sa susunod na buwan mula sa programang repopulation ng kagawaran ng pagsasaka o DA.
Layunin ng nasabing programa na masubukan na ng mga hograisers ang mag alaga muli ng baboy matapos ang pananalasa ng African Swine Fever o ASF.
Ginagamit na pangsuri ang mga sentinel piglets kung hindi na sila madadapuan ng virus.
Sakaling walang maitalang kaso ng ASF sa mga sentinel pigs na ipinamigay ng DA Region 2 ay maaari nang mag alaga ng mas maraming bilang ang mga hograisers.
Ayon sa mga benepisaryo matagal na nila itong inaabangan pangunahin na ng mga hograisers na namatayan ng baboy noong kasagsagan ng ASF outbreak.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Veterinarian Dr. Ronald Dalauidao, sinabi niya na naantala ang pamamahagi ng mga sentinel pigs dahil sa kakulangan ng suplay.
Tiniyak naman niyang sa unang linggo ng Marso ay magsisimula nang ipamahagi ang mga sentinel pigs sa mga benepisaryo.
Aniya nasa tatlumpung benepisaryo muna ang mabibigyan ng tig isang biik dahil sa limitadong suplay nito.
Sakaling hindi mamatay ang mga ito sa loob ng apatnaput limang araw ay bibigyan sila ng karagdagang dalawang biik.
Inaasahang mabibigyan din ang mga benepisaryo ng ipapakain sa mga baboy mula sa lokal na pamahalaan.











