
CAUAYAN CITY – Handang harapin ng kandidato sa pagka-mayor na si Bill Dy ang anumang kaso na isasampa laban sa kanya ng barangay kapitan ng Baringin Norte na kanyang sinita at pinagsabihan dahil sa umano’y pagpigil sa mga kabarangay na lumabas nang isagawa nila kahapon ang kanilang campaign sortie.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Bill Dy na dumaan siya sa bahay ni Barangay Kapitan Jordan Mallillin ng Baringin Norte dahil may schedule silang mangampanya sa naturang barangay.
Aniya may nagpaabot sa kanya na pinipigilan umano ng barangay kapitan ang mga tao na lumabas sa pangangampanya ng mayoralty candidate.
Dahil dito ay kinausap niya si Barangay Kapitan Mallillin at sinabihan na bawal ang kanyang ginagawa na may kinakampihang kandidato dahil isa siyang opisyal ng barangay.
Iginiit niya na hindi na kailangang abisuhan ang mga Barangay Kapitan kung may mga magtutungong mangangampanya sa kanilang nasasakupang barangay dahil kailangan na bukas palagi ang kanilang opisina at barangay para sa mga mangangampanyang kandidato.
Sinabi pa ni Dy na hindi niya dinuru-duro si kapitan Mallillin kundi pinagsabihan na huwag uulitin ang ginawa niyang pagbabawal sa kanyang mga nasasakupan na lumabas.
Sinabi naman ni Barangay Kapitan Jordan Mallillin nagulat siya nang biglang may humintong mga sasakyan sa harap ng kanyang bahay at bumaba ang kandidato sa pagkamayor na si Bill Dy.
Nilapitan siya at dinuru-duro at pinagsabihang mayabang at siga sa kanilang barangay.
Pinaratangan siya na pinagbabawalan ang mga tao na lumabas sa kanilang pangangampanya sa kanilang barangay.
Tinanong umano ng barangay kapitan kung sinong tao ang nagparating nito sa kanya para magka-harap harap sila ngunit sinagot lamang siya ni Dy na sinungaling.
Iginiit ni Mallilin na alam niya ang pagiging non-partisan ng mga opisyal ng barangay sa mga kandidato sa halalan na kanyang namang sinusunod.
Ayon kay Barangay kapitan Mallillin, wala siyang karapatan na pagbawalan ang sinumang mangampanyang kandidato sa kanilang barangay at sinabi pa na walang abiso ang partido ng mayoralty candidate na mangangampanya sila upang nasabihan sana niya ang kanyang mga kabarangay.










