
CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang mga otoridad sa isinasagawang hot pursuit operation laban sa mga kasapi ng New People’s Army o NPA na tumakas matapos makasagupa ang mga sundalo sa bayan ng Baggao kahapon ng madaling araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army ang nasabing engkwentro ay pagitan ng tropa ng 77th Infantry Batallion at nasa dalawampong miyembro ng East Front-Commitee ng Komiteng Probinsiya ng Cagayan sa Sitio Sakat, Asinga-Via, Baggao, Cagayan.
Ayon kay Capt. Pamittan, isinagawa ang opensiba kasunod ng impormasyon mula sa concerned citizen kaugnay sa presensya ng mga armadong rebelde.
Aniya, walang casualties sa tropa ng pamahalaan at mga sibilyan, habang inaalam pa nila kung may casualty sa NPA matapos ang tatlumpong minutong bakbakan.
Samantala, narekober ng militar ang isang M16 rifle na naiwan ng rebeldeng grupo.
Nagsasagawa na rin ng blocking operations at checkpoints ang pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya laban sa mga tumatakas na rebelde.
Dahil sa pinaigting na operasyon ng militar sa Eastern Portion ng Cagayan ay nagkukulang ng supply ng pagkain ang rebeldeng pangkat kayat napipilitan silang maghanap ng kanilang supply.
Naniniwala ang mga sundalo na ang mga natitirang kasapi ng komunistang grupo ay nagtatago sa kabundukan ng Sierra Madre.










