CAUAYAN CITY – Bangkay na nang matagpuan sa ilog na bahagi ng boundary ng Santor, Reina Mercedes at Macañao, Luna, Isabela ang isang ama na ipinanawagan dito sa Bombo Radyo Cauayan na nawawala.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Ferdinand Datul, Hepe ng Reina Mercedes Police Station na nakatanggap sila ng tawag na may natagpuang bangkay sa ilog kaya nagpalabas sila ng flash alarm sa mga himpilan ng pulisya.
Nakilala ni Ginang Teresita Capinlac ang bangkay ng kanyang mister na si Roman Capinlac, limampu’t walong taong gulang, residente ng Purok 1, Bustamante, Luna, Isabela.
Inihayag ni Police Major Datul na pinayuhan ang pamilya ng biktima na ipa-autopsy ang bangkay upang malaman kung ano ang kanyang ikinamatay.
Hindi anya makita kung may sugat ang katawan ng biktima dahil bloated na nang matagpuan.
Noong umaga anya ng ikadalawa ng Hunyo ay nagpaalam ang biktima na magtutungo sa Pulay, Luna upang makipyesta at magtinda ng fishball ngunit hindi na nakauwi.
Napag-alaman naman nila na bago umuwi ang biktima ay nakipag-inuman pa siya.
Nauna nang naka-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan ang anak ng biktima na si Michelle Capinlac at nanawagan siya na kung sinuman ang nakakita sa kanyang ama ay makipag-ugnayan sa kanya dahil nauna nang nakita ang gamit na motorsiklo at pera ng ama sa gilid ng ilog.
Samantala, inihayag naman ni Ginang Teresita Capinlac na binalikan nila ang ilog malapit sa lugar kung saan nakuha ang motorsiklo at gamit nang kanyang mister.
Lumusong anya sa ilog ang isa sa kanyang mga kamag-anak at dito nahawakan ang kamay ng bangkay ng asawa na natabunan ng mga water lilies.
Nangako ang Scene of the Crime Operatives o SOCO na susunod sila sa Punerarya sa San Mateo upang mag-imbestiga at isailalim sa autopsy ang bangkay ng asawa ngunit sa halip na pumunta ay sinabihan sila ng SOCO na dalhin na lamang ang bangkay sa RHU San Mateo upang ipasuri kung may natamong sugat sa katawan at kung wala ay sinabihan silang ilibing na lamang.
Masama ang loob nila sa mga kasapi ng SOCO Reina Mercedes dahil wala silang ginawa upang imbestigahan ang pagkamatay ng kanyang asawa.
Mayroon anya silang nakitang sugat sa bibig at parang may bukol sa ulo ng kanyang mister kaya naniniwala silang may foul play sa pagkamatay nito.