CAUAYAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng mga kasapi ng Aritao Police Station sa naganap na pagbangga ng pampasaherong bus sa nakaparadang trailer truck sa Bone South, Aritao Nueva Vizcaya na ikinamatay ng konduktor at ikinasugat ng anim na pasahero.
Sa nakuhang na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang nasangkot sa aksidente ay isang Victory Liner Bus na may plakang NBD 1466 na minaneho ni Armando Bautista, 58-anyos, residente ng Salvacion, Rosales, Pangasinan at ang binangggang Trailer Truck ay minaneho ni Amor Feliciano, 40-anyos, may asawa, at residente ng Salvacion, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa pagsisiyasat ng Aritao Police Station, sumabog ang harapang gulong ng bus dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at bumangga sa nakaparadang trailer truck.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang tsuper, konduktor at mga pasahero na lulan ng bus maging ang helper ng truck.
Dinala sa Rural Health Unit (RHU) Aritao ang mga biktimang sakay ng bus kabilang na si Ever Legarda na helper ng truck para sa agarang medical na atensyon habang idineklarang dead on arrival ang konduktor ng bus na si Clifford Coronel Adaro.
Inilipat din sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital sa bayan ng Bambang ang mga nasugatang pasahero.










