--Ads--

CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) Region 2 na ang ipinapamahagi nilang Fuel Discount Card ay para lamang sa mga magsasakang nagtatanim ng mais at mangingisda na may ginagamit na makinarya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2, sinabi niya na nag-umpisa ang kanilang pamamahagi kahapon sa lalawigan ng Isabela pangunahin na sa bayan ng Delfin Albano at Tumauini.

Natapos naman ang distribusyon sa mga bayan ng San Isidro, Luna, Cabatuan, San Guillermo at lunsod ng Cauayan noong August 25.

Maraming bayan na rin ang natapos mula pa noong August 25 nang umpisahan ang pamamahagi.

--Ads--

Susunod naman sa mga darating na araw ang Cagayan, Vizcaya at Quirino.

Ayon kay RED Edillo nasa mahigit 11,000 benepisaryo ang mabibigyan ng discount cards na nagkakahalaga ng P3,000.

Aniya, galing sa LGU ang listahan ng mga benepisaryo at navalidate pa ang mga makinarya ng mga ito dahil tinitignan mismo ang engine number ng makinaryang ginagamit ng mga magsasaka at mangingisda upang sila ay mapabilang sa mabibigyan ng fuel discount card.

Sa mga may makinarya namang hindi napabilang ay dahil umano sa nabawasan ang dating alokasyon sa rehiyon na 18,000 benepisaryo at ito ay naging 11,000 na lamang.

Tiniyak naman niya na may 2nd batch pa ng distribusyon at prayoridad na ang mga hindi nakatanggap ngayon.

Tinig ni Regional Executive Director Narciso Edillo.