CAUAYAN CITY – Labis ang pasasalamat ng isang rider mula sa Benguet matapos na maibalik ang kanyang pitaka na nahulog at lumipad ang mga perang laman nito habang binabagtas ang daan sa Macate, Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Kagawad Jeffrey Cadiz ng Macate, Bambang, nakilala ang may-ari ng pera na si Newel Andre Bagiga.
Mabilis ang patakbo ni Bagiga sa kanyang motorsiklo na naging dahilan ng pagkalaglag ng wallet nito at nagliparan ang lamang pera.
Umabot sa P71,800 ang naibalik sa kanya ngunit ang laman ng kanyang pitaka ay P80,000.
Ang pera ni Bagiga ay ibibili ng motorsiklo sa Echague, Isabela.
Kabilang sa mga tumulong na pumulot sa pera ang ilang Barangay tanod na nagkataong nasa lugar, ilang tao at ilang driver.
Natunton nila ang may-ari ng pera sa pamamagitan ng nakasulat na numerong nasa loob ng pitaka.
Nang matawagan si Bagiga ay hindi pa niya alam na nahulog na ang kanyang pitaka na naglalaman ng kanyang pera.










