CAUAYAN CITY – Nasa 5-10% ng mga pananim na palay sa ilang bayan sa Lambak ng Cagayan ang apektado ng pananalasa ng mga pesteng daga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Minda Flor Aquino, Senior Science Reseach Specialist ng DA Region 2 na nag-ulat ang mga bayan ng Burgos, Echague, Tumauini at Cabatuan sa Isabela sa kanilang tanggapan na may mga taniman na apektado ng rodents o mga pesteng daga.
Mayroon na ring mga pananim ang apektado sa Maddela, Quirino at Piat, Cagayan.
Sa kabuuang 1,309 hectares na taniman ng palay ay 552.3 hectares ang apektado ng pesteng daga.
Sa iniulat ng Cabatuan na taniman ng palay na 4,411 hectares ay 45.5 hectares ang apektado.
Mayroon na rin silang natanggap na impormasyon na hindi lang mga pananim na palay ang apektado ng mga pesteng daga kundi maging ang mga pananim na mais.
Tiniyak naman ni Aquino na gumagawa na sila ng mga paraan upang maagapan ang paglawak ng mga pananim na masira ng mga pesteng daga.
Mayroon na ring mga chemical na ini-aapply o kaya ay magsasagawa ng sabay-sabay o mass baiting upang mapuksa ang mga daga.
Samantala, tuluy-tuloy ang kanilang monitoring sa rice black bug, fall army worm at grasshopper na nakakapinsala rin sa mga pananim na palay at mais.










