--Ads--

CAUAYAN CITY – Naniniwala ang Cauayan City Police Station na lumalakas ang loob ng mga kabataan na gumawa ng krimen dahil alam nilang hindi sila makukulong.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Esem Galiza, Chief ng City Community Affairs and Development Unit ng Cauayan City Police Station sinabi niyang sa nakalipas na linggo ay apat na kabataan na ang kanilang nahuli na sangkot sa pagnanakaw ng tricycle at pambubogbog sa tsuper nito.

Marami na ring ganitong krimen ang kinasangkutan ng mga kabataan na mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ngayong taon.

Nakapagtala na rin sila ng ilang kaso ng panggagahasa, at ang mga nagiging suspek ay edad katorse pataas.

--Ads--

Kung matatandaan din noong Disyembre noong nakaraang taon ay may nasangkot din na ilang kabataan sa pananaksak patay sa isang lalaki noong kasagsagan ng Simbang Gabi.

Ayon kay PMaj. Galiza ang pinakadahilan kaya nagagawa ng mga kabataan ang gumawa ng ganito kabibigat na mga krimen ay dahil protektado sila ng batas at hindi sila nakukulong.

Paliwanag naman niya sa mga kabataan, na bagamat hindi sila nakukulong sa selda sa ngayon ay naiipon ang kanilang mga criminal record at maaaring lumabas ang kanilang warrant of arrest kung sila ay nasa tamang edad na.

Ang magagawa lamang ng pulisya sa ngayon ay magbigay ng impormasyon sa mga estudyante upang hindi sila mamulat sa paggawa ng iba’t ibang krimen.