--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang tatlong menor de edad na magpipinsan matapos na malunod kaninang tanghali sa dating pinagminahan na may lawak na 400 hanggang 500 meters sa boundary ng San Fermin, Cauayan City at Luna, Isabela.

Malalim at puno ng tubig ang dating pinagminahan dahil sa pag-ulan sa mga nagdaang araw.

Ang mga biktima ay sina Danica Mae Padua,walong taong gulang, Angie Palma, labing-apat na taong gulang at Shayna Padua, labindalawang tang gulang, pawang residente ng Tagaran, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ama ng isa sa mga biktima, sinabi niya na namasyal ang mga bata sa kanilang tito sa San Fermin, Cauayan City at hindi nila alam na nagtungo sila sa malawak na pinagminahan na puno na ngayon ng tubig.

--Ads--

Inihayag ni Barangay Kagawad Reynaldo Paul Perez ng San Fermin at kabilang sa mga tumugon sa insidente na ang pinagminahan ay nasa hangganan ng bayan ng Luna at barangay San Fermin kaya hindi na nila ito namonitor.

Sinabi naman ni Ginoong Henry Gammad, team leader ng Cauayan City Elite Search and Rescue Squad ng Rescue 922 na naisugod ang mga biktima sa magkahiwalay na pribadong ospital ngunit hindi na sila na-revive ng mga doktor.

Agad silang tumugn nang maitawag sa kanila ang nasabing pangyayari sa may bypass road papuntangLuna, Isabela at nadatnan nilang natagpuan na ang dalawang biktima. Ang unang biktima ay unang natagpuan at naisugod  sa ospital.

Nagkayaan ang mga magpipinsan na maligo sa nasabing lugar. May kasama silang hindi naligo na siyang humingi ng tulong nang makitang nalulunod ang mga kasama.