--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin sa barangay San Pablo, Cauayan City.

Ang biktima ay si Jaymar Babaran, dalawamput anim na taong gulang, may asawa, tsuper, at residente ng Duminit, Cauayan City habang ang pinaghihinalaan ay si Rafael Rumbaoa, apatnaput isang taong gulang, helper, at residente San Pablo, Cauayan City.

Lumabas sa paunang pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na nag-iinuman ang biktima kasama ang kanyang biyenan at bilas sa harap ng bahay ng kanyang biyenan nang biglang dumating ang pinaghihinalaan na nasa impluwensiya ng nakakalasing na inumin.

Hinikayat umano ng pinaghihinalaan ang biktima at mga kasama nito na uminom sa kanyang bahay subalit hindi pumunta ang mga biktima at mga kasama nito.

--Ads--

Dahil dito ay umuwi ang pinaghihinalaan at makalipas ang ilang minuto ay bumalik ito at bigla nalang nitong pinagsasaksak ang biktima.

Sinubukan pang tumakbo ng biktima subalit hinabol siya ng suspect at itinuloy ang pagsaksak sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan.

Dinala pa sa pagamutan ang biktima subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station ang pinaghihinalaan na mahaharap sa kasong Murder.