
CAUAYAN CITY – Nasa kritikal na kondisyon ang isang lola matapos na masagasaan ng isang elf van habang tumatawid sa National Highway na bahagi ng Brgy. Santos, Quezon, Isabela.
Ang biktima ay si Nicasia Pasyalen, pitumpu’t pitong taong gulang, biyuda at residente ng nasabing Barangay.
Ang driver naman ng Isuzu Elf Van ay si Florencio Wisco, dalawampu’t anim na taong gulang at residente ng Caggay, Tuguegarao City, Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, patungo sa Lungsod ng Tuguegarao ang elf van at bigla umanong tumawid ang biktima kaya nasagasaan ng sasakyan.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang biktima na agad na itinakbo sa pagamutan.
Ayon kay Wisco, sinubukan niyang iwasan ang biktima at nakapagpreno pa siya subalit hindi ito naging sapat kaya nabangga pa rin ang biktima.
Wala namang tinamong sugat ang driver ng sasakyan maging ang kasama nitong pasahero.
Dinala na sa himpilan ng pulisya ang driver at mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious physical injury.










