
CAUAYAN CITY – Dalawa ang nasugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Brgy. Inengan, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jayson Morales, hepe ng Dupax Del Norte Police station sinabi niya na ang mga sangkot ay sina Bartolome Dumlao, dalawampu’t limang taong gulang, construction worker, at residente ng Palabotan, Dupax del Sur at Diane Gaem, dalawampu’t tatlong taong gulang, helper at residente naman ng Almaguer North, Bambang, Nueva Vizcaya.
Binabagtas ng Euro Motorcycle na minamaneho ni Dumlao ang provincial road patungong timog na direksyon habang nasa kasalungat namang linya si Gaem nang bigla umanong umagaw ng linya si Gaem na nagresulta sa banggaan.
Dinala ng mga rumespondeng rescuer ang mga biktima sa pagamutan upang malapatan ng lunas.
Nakatakda namang mag-usap ang mga sangkot kaugnay sa posibleng ammicable settlement.
Muling nagpaalala si PMaj. Morales sa mga motorista na ugaliing mag suot ng safety gear tuwing mag maneho, mag ingat at laging dalhin ang lisensya.










