CAUAYAN CITY – Idineklara na bilang Avian Influenza Free Province ang lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Belina Barbosa, Provincial Veterinary Officer ng Isabela sinabi niya na masaya sila sa naging resulta ng kanilang pag-aapply sa Kagawaran ng Pagsasaka para sa deklarasyon sa Isabela bilang bird flu free province.
Malaking bagay aniya ito sa mga nag-aalaga ng manok tulad ng mga commercial raisers dahil kapag mayroon pa ring bird flu sa lalawigan ay hindi pwedeng makapag export sa ibang lalawigan.
Kapag free na ang lalawigan ay maaari nang makapag export at asahan ang produktibong negosyo ng mga poultry raisers.
Ayon kay Dr. Barbosa hindi gaanong apektado ang mga manok habang ang mga itik ang pinakaapektado dahil ipinagbawal ang pagbebenta sa bawat munisipalidad kundi sa loob lamang ng bayan pwedeng magbenta upang hindi kumalat ang sakit.
Aniya hindi nakikitaan ng sintomas ng sakit ang mga itik dahil resistant ang kanilang katawan sa virus.
Unang nakumpirma ang mga kaso ng Avian Influenza sa Lunsod ng Cauayan at mga bayan ng Alicia at Gamu noong Abril, Mayo at Nobyembre noong 2022.
Aniya nakontrol ang sakit matapos magsagawa ng imbestigasyon ang Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) para sa agarang depopulasyon, paglilinis at disinfection, restriksyon, at surveillance sa mga apektadong lugar.
Matapos ang monitoring sa mga apektadong lugar ng tatlong buwan ay nagnegatibo na sa Influenza type A Virus ang mga chicken layer, pato, gamefowl, pigeon, at native na manok.
Katuwang ang DA Region 2, nagsagawa rin sila ng information dissemination at pagbibigay impormasyon sa mga preventive measures tulad ng biosecurity.
Tinig ni Dr. Belina Barbosa.











