CAUAYAN CITY – Nalapnos ang magkabilaang paa ng isang binata matapos aksidenteng masabugan ng LPG tank sa kanyang pinagta-trabahuang LPG Store sa Brgy. Tagaran, Cauayan City.
Ang biktima ay si Russel Acob, labing walong taong gulang, trabahador sa isang distributor ng LPG, at residente ng Tagaran, Cauayan, City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa biktimang si Acob, kasalukuyan umano silang nagbabawas ng laman ng tangke habang may nag we-welding sa tabi nito.
Dahil umano sa pagwelding at sa pagbabawas ng karga ng tangke, ay naging sanhi ito ng pagliyab.
Nagawa niyang tumalon sa bakod kaya ang dalawang paa niya lang ang nasunog.
Matapos ang aksidente ay dinala ang biktima sa loob ng bahay ng may-ari ng LPG store at hindi agad pinaalam sa pamilya nito ang nangyari.
Alas onse na nang tanghali nang isugod ang biktima sa Cauayan District Hospital ngunit sinabihan itong dumeretso nalang sa isang pribadong hospital sa Santiago, City.
Kaugnay nito, nagbigay naman ng perang pampagamot ng biktima ang may ari ng LPG store na si Ginoong Jr. Apostol at handa din nitong sagutin ang lahat ng gastos para sa pagpapagamot ng biktima hanggang sa gumaling ito.
Ayon sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jr Apostol, aniya ay wala namang may gusto nang nangyari at aksidente lamang ito.
Samantala, bilang pagtugon sa nangyaring insidente, tinututukan ng punong barangay ng Tagaran ang isyung ito.
Nakikipag-ugnayan si punong barangay Benjie Balauag sa kinauukulan para sa karagdagan pang inspeksyon upang hindi na maulit ang aksidente.
Dapat din sana aniya ay may insurance ang mga trabahador sa nasabing LPG store, tulad na lamang ng Philheath.
Una na ring nagsagawa ng inspeksyon ang Public Order and Safety Division o POSD at BPLO sa lugar at nakumpirma na may mga delekadong tangke na hindi na pwedeng gamitin.










