--Ads--

CAUAYAN CITY – Isang Pilipinong sculptor ang kasalukuyang nagpapatayo ng monumento ng bayaning si Jose Rizal sa Estados Unidos bilang pagbibigay pugay at upang ipakita sa buong mundo ang mga nagawa nito para sa kalayaan ng bansang Pilipinas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Elaine Bordeaux, Immigrant Lawyer at isang Sculptor na nakatira na sa Colorado, Estados Unidos, sinabi niya na nawili siya sa sculpture noong pandemic.

Aniya lahat ng mga obra na kanyang nagawa ay dedicated sa Pilipinas at sa kanyang mga exhibit ay napansin niyang maraming Pilipino ang namangha rito.

Naging inspirasyon niya ito na mas pag-igihan pa ang paggawa ng piyesa at sa ngayon, ang kanyang goal ay makapagpatayo ng monumento ni Rizal sa bawat state ng US at sa buong mundo.

--Ads--

Nakapagsimula na sila sa kanilang foundation para sa pagpapatayo ng monumento ni Rizal sa Colorado Estados Unidos at inaprubahan na rin ng pamahalaan doon ang pagpapatayuan ng monumento.

Ang monumento ay may taas na 6ft at nakatungtong sa pedestal na may taas na 5ft.

Umaasa si Atty. Bordeaux na matatapos nila ito ngayong taon dahil kapag natapos ito ay plano nilang ipagpatuloy ang pagpapatayo ng mga monumento ni Rizal sa iba pang estado.

Maliban kay Rizal, ang mga obra na kanyang nagawa gamit ang Clay ay ang imahe ni Hesus, Mother Theresa, Mama Mary, Lapu-lapu at maging si Apo Whang-Od.

Mas dumami pa ang kanyang obra at nakapag exhibit na siya sa Barcelona, Spain at may mga nakatakda pang exhibit sa ibat-ibang bahagi ng Estados Unidos pangunahin sa lugar na napuntahan ni Dr. Jose Rizal.

Umaasa naman si Atty. Bordeaux na makakapag exhibit din siya sa Pilipinas upang maipromote niya sa mga Pilipino ang kultura at tradisyon ng Pilipinas na hindi dapat kinakalimutan.