--Ads--

CAUAYAN CITY- Patay na ng matagpuan ang katawan ng isang magsasaka matapos itong malunod sa irigasyon na sakop ng Barangay Sta. Cruz, San Manuel, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jojo Turingan, hepe ng San Manuel Police Station sinabi niya na pasado alas kwatro ng hapon ay nakatanggap ang kanilang himpilan ng tawag kaugnay sa pagkalunod ng biktimang si Junito Balbin, 35 anyos na residente ng Brgy. Esperanza East, Aurora Isabela.

Aniya na bago ang insidente ay nag-iinuman ang biktima at kaniyang mga kasama malapit sa irigasyon ng magpasya ang biktima na mag-dive sa tubig subalit dahil sa malakas ang agos ng tubig ay natangay ito at hindi na nakaahon.

Sinabi ni PMaj. Turingan na lumusong din sa irigasyon ang isang kasama ng biktima para hanapin ito ngunit hindi na ito nakita.

--Ads--

Makalipas ang magdamag na pagbabantay at rescue operation ganap na alas otso kaninang umaga ay narekober na ang bangkay ng biktima hindi kalayuan sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Dahil sa pangyayari ay muling nagpaalala ang pulisya sa publiko na mag-ingat sa paliligo sa mga irrigation canal lalo pa’t kasalukuyang nagpapakawala ng tubig ang NIA-MARIIS.