--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng joint inspection ng iba’t-ibang ahensya na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) upang bisitahin at suriin ang mga itinitindang produkto ng isang daan na establisyimento sa lungsod ng Santiago.

Binisita ng kagawaran ang 55 hardware, 22 na grocery at drug stores, at 20 pwesto sa public market.

Kasama ng DTI sa naturang inspeksyon ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Information and Technology (DICT), Department of Health (DOH) at iba pang ahensya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Henry Conel ng DTI Region 2,  sinabi niya na ang pagsasagawa ng inspection o surprise visit ay kaugnay sa pagdiriwang ng Consumer Protection Month kung saan ay tinitiyak ng tanggapan na walang uncertified products na makalusot sa merkado at wala ring overpricing.

--Ads--

Sa ngayon sa 10 umano na nabisitang business establishment, wala namang nakumpiska o nakita na uncertified at substandard products o ang mga walang tatak na PS at ICC.

Napansin lamang umano nila na walang business name ang ilang mga establisimento at may bahagya na ring tumaas ang presyo ng ilang mga condiments.

Tinitiyak naman nila na walang double price tag sa mga produkto dahil nangangahulugan lamang umano ito na binago at tinapalan lamang ang presyo dahil natunugan na may magaganap na inspeksyon.

Bagaman wala umanong nakita na problema ang DTI, mayroon naman umanong sinita ang BIR na mga establisimentong kulang sa mga dokumento.

Samantala nakitaan naman ng Bureau of Internal Revenue ng  pagkukulang ang ilang  mga establisimento.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Revenue Officer 2 Gladys Garcia ng BIR, kinumpirma niya na may mga paglabag ang mga binisitang establishment tulad ng hindi rehistrado sa BIR.

Sa ngayon ay nakatakda naman umanong i monitor ng BIR ang naturang establisyemento na minabuting hindi na pangalanan.

Kaugnay nito, nakikiusap ang nasabing ahensya sa lahat ng mga mayroong negosyo na wag silang taguan tuwing mayroon silang inspeksyon o monitoring.