ANTIPOLO CITY- Pitong lalaking panadero ang natagpuang patay matapos pagsasaksakin ng isang suspek habang sila ay mahimbing na natutulog sa loob ng isang panaderya sa Brgy. Cupang, Antipolo City, Rizal, ngayong umaga, Abril 22, 2025.
Nabatid na dakong alas-8 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang barangay tanod hinggil sa insidente.
Agad namang nirespondehan ng mga awtoridad ang reklamo, kung saan lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang mga biktima ay pawang mga empleyado ng isang panaderya at nakatira sa panaderya.
Bandang alas-6:00 umano ng umaga nang pumasok sa bakery ang mga hindi kilalang suspek at isa-isang pinagsasaksak ang mga biktima habang sila ay nagpapahinga.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng Antipolo PNP sa insidente.










