Patuloy na tinutugis ng Quirino Police Provincial Office ang dalawang suspek sa pananaksak at pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Zaldy Castillo Dela Peña, na nasawi habang umaawat sa kaguluhang naganap sa isang sari-sari store sa Barangay San Marcos, Cabarroguis, Quirino noong Hulyo 31.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PBGen. Mariano Rodriguez, Regional Director ng Police Regional Office 2, sinabi niyang nakatalaga sa Quirino Police Provincial Office ang biktima at off-duty lamang ito nang mangyari ang insidente. Aniya, kumakain ang pulis sa tindahang pagmamay-ari ng kanyang kapatid na babae nang dumating ang dalawang lalaki na nais bumili ng alak.
Ayon kay Rodriguez, bandang alas-11:30 ng gabi nang tanggihan ang dalawang suspek na bentahan ng alak dahil umiiral ang ordinansa sa bayan na nagbabawal sa pagbebenta nito sa naturang oras.
Dahil dito, nagalit at nagwala umano ang dalawang lalaki. Nang awatin sila ni Dela Peña, isa sa mga suspek ang umano’y bumunot ng patalim at sinaksak ang pulis.
Matapos ang insidente ay tumakas ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo. Patuloy ang isinagawang manhunt operation ng pulisya upang madakip ang mga ito.
Samantala, sinabi ni Rodriguez na magbibigay ang Police Regional Office 2 ng paunang financial assistance sa pamilya ng nasawing pulis. Wala pa aniya sa ngayon ang nakalaang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.










