CAUAYAN CITY- Puspusan ang pag iikot-ikot ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 3rd District upang inspeksyunin ang mga paaralan at ang mga kasalukuyang ipinapatayong school building sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan ng Isabela.
Mayroon pa kasing mga hindi natatapos na proyekto ang DPWH na inaasahang malaking tulong sana sa mga paaralan lalo na sa pagbubukas ng pasukan ngayong school year 2025-2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ceasar Agustin, Information Officer ng DPWH 3rd District, sinabi niya na maraming mga proyekto ang hindi pa natatapos noong 2024 tulad na lamang ng paggawa ng school buildings.
Ang pondo naman aniya ay parehong nagmumula sa Department of Education at sa DPWH katuwang ang mga Architect.
Maagap naman umanong sinusulosyonan ang mga problema sa mga building at tinitiyak ng kanilang ahensya na pinapalitan na ang mga building na nakikitaan na ng bakas ng pagkasira.
Sa ngayon ay kaliwa’t kanang building na aniya ang ipinapagawa at nagawa na sa San Mariano, San Mateo, Cabatuan, Alicia, at Benito Soliven.
Katuwang ng ahensya ang mga architect na tumitingin kung delikado na ang isang building at kung dapat na itong palitan.
Karamihan naman aniya sa mga nakikitang building na mayroon ng mahigit tatlong dekadong nagawa ay binabakbak na dahil mayroon na itong mga crack.











