Nag-abiso ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa publiko tungkol sa planong pagpapalabas ng tubig mula sa Magat Dam ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi niya na magrerelease sila ng tubig sa reservoir mamayang alas-nuebe ng umaga.
Ayon sa pamunuan, ito ay pre-emptive release para mapababa ang water elevation sa reservoir bilang paghahanda sa ulang dala ng tropical depression Dante o ng bagyong Emong.
Bubuksan ang isang metrong opening ng Gate 4 na may tinatayang water discharge na 160 cubic meters per second.
Batay sa kanilang monitoring, nasa 186 meters na ang water elevation ng dam kung saan ang average inflow ng tubig sa maghapon kahapon ay asa 413 cubic meters per second habang ang outflow ay nasa 210 cubic meters per second o halos kalahati ang naiiwan sa reservoir kaya mabilis ang pagtaas ng lebel ng tubig.
Inabisuhan naman aniya nila ang power generating company na gamitin ang inflow ngunit hindi ito kakayanin kaya kailangan ng pagbubukas ng spillway gate upang mamentena ang normal water elevation ng dam o maibaba ito hanggang 184 meters.
Pinayuhan naman ng NIA-MARIIS ang publiko na maging mapagmatyag at iwasan muna ang pamamalagi sa Magat River dahil sa maaring epekto ng pagpapalabas ng tubig sa dam.
Ilagay rin sa mataas na lugar ang mga gamit at alagang hayop na nasa tabing ilog.











