Naaresto ang lider ng isang Gapos Gang na umatake at nanlimas ng pera sa isang rice store sa Bocaue, Bulacan.
Batay sa ulat sapul sa CCTV footage ang pangyayari, pinasok ng mga suspek na binubuo ng limang armadong lalaki na naka-bonnet ang tindahan noong Sabado.
Iginapos nila ang mga tao sa tindahan ng bigas at saka kinuha ang mga pera at mga gamit.
Nitong Miyerkules, isang soft drinks warehouse naman ang inatake ng grupo at doon nakilala sa CCTV footage ang isa sa mga suspek nang bahagyang bumaba ang kaniyang face mask at makita ang kaniyang mukha.
Sa ginawang background investigation natukoy na ang isa sa mga suspek ay si Police Staff Sergeant Miguel Andrew Oñate, 34-anyos, at nakatalaga sa Tanuan Police sa Batangas.
Nakuha mula sa kaniya ang isang caliber .45 na baril , mga bala, isang pekeng baril, bolt cutter, mga cellphone, plaka ng sasakyan, at mga barya na kinuha mula sa soft drinks warehouse.
Positibo ding kinilala ng mga biktima ang pulis na suspek na nanloob sa kanila.
Ayon sa mga awtoridad nirerentahan ng suspek sa Laguna ang sasakyan na ginagamit nila sa panghoholdap. Inamin umano nito na tatlo na ang kanilang nabiktima.











