Bilang tugon sa patuloy na suliranin sa basura, nakatakdang magpatayo ng karagdagang dalawang compost pit sa dalawang nauna na ang pamunuan ng Barangay Tagaran upang mapalakas pa ang waste management sa komunidad, lalo na matapos mamataan ang sako-sakong basura na nakakalat sa ilang lugar ng barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Daniel Acob, Barangay Kagawad ng Tagaran, bagama’t marami na ang marunong sa tamang pagtatapon, nananatili pa ring hamon ang presensya ng mga pasaway na residente na patuloy na nag-iiwan ng basura partikular sa likod ng kanilang sports complex.
Dagdag pa niya, hirap talaga silang matukoy o mahuli kung sino-sino ang basta na lang nagtatapon ng kanilang kalat. Dahil dito, mismong mga opisyal ng barangay na aniya ang nagiging tagalinis. Sila na mismo ang nagbubuhat ng mga basura mula sa pinagtapunan patungo sa lugar kung saan ito maaaring makolekta ng garbage collectors.
Nagsagawa ng pagpupulong ang barangay upang talakayin ang lumalalang problema sa basura, lalo na at matagal na umano itong suliranin sa kanilang lugar. Tumindi pa ang sitwasyon nang manalasa ang nagdaang bagyo, kung saan apat na araw na hindi nakolekta ang mga basura, dahilan upang mapuno ang kanilang Materials Recovery Facility (MRF).
Gayunpaman, nagpahatid ng pasasalamat si Kagawad Acob sa mga residenteng patuloy na sumusunod sa tamang waste disposal at sa mga paalala ng barangay.
Umaasa naman ang pamunuan na sa pagtatayo ng mga compost pit ay mababawasan ang basurang nawawaldas at mas magiging maayos ang pamamahala sa basura sa Tagaran.











