--Ads--

Nagbabala ang Department of Energy na posibleng makaranas ng kakulangan sa suplay ng kuryente ang Visayas at Mindanao ngayong tag-init bunsod ng mga nagdaang kalamidad gaya ng La Niña at malalakas na bagyo, ayon kay DOE Secretary Sharon Garin nitong Miyerkules.

Ayon kay Garin, sapat naman ang suplay ng kuryente sa Luzon, habang mas nanganganib ang Visayas. Apektado rin ang Mindanao dahil ito ang nagsusuplay ng kuryente patungo sa Visayas.

Binanggit pa niya na may mga hakbang na ipinatutupad ang pamahalaan, kabilang ang pagdaragdag ng reserbang kuryente, pagpapalawak ng rooftop solar, at pagpapalakas ng mga programa sa pagtitipid ng enerhiya upang maiwasan ang posibleng blackout sa Visayas.

Ipinaliwanag ng DOE na isa ring salik sa problema ang pagkaantala ng ilang proyekto, lalo na ang mga nasa ilalim ng Green Energy Auction Program, kaya kinakailangang habulin ang tumataas na demand. Inaasahang ilalabas ang datos hinggil sa inaasahang suplay at pangangailangan ng kuryente sa pagtatapos ng buwan.

--Ads--

Dagdag pa ni Garin, patuloy ang koordinasyon ng DOE sa Energy Regulatory Commission upang matiyak na ang mga planadong power outage ay hindi makadagdag sa kakulangan ng kuryente sa Visayas. Kasalukuyan ding nire-recompute ang energy outlook upang mas maayos na matugunan ang mga hamon sa suplay ng kuryente ngayong tag-init.