--Ads--

Patuloy na nararamdaman ng mga ordinaryong Pilipino ang epekto ng paghina ng ekonomiya ng bansa, partikular sa kakulangan ng trabaho at hindi sapat na kita, kasabay ng pagbagal ng paglago ng Gross Domestic Product o GDP.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jose Enrique “Sonny” Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niya na kailangang maging mas mapanuri ang pamahalaan sa mga ugat ng pagbagal ng ekonomiya. Ayon sa kanya, hindi dapat iasa lamang sa isyu ng korapsyon ang paliwanag sa paghina ng GDP, kundi bigyang-pansin din ang kakulangan ng suporta sa lokal na agrikultura at industriya.

Ipinaliwanag ni Africa na bago pa man lumutang ang malalaking isyu ng korapsyon scandal, kapansin-pansin na ang paghina ng ekonomiya. Aniya, mula sa 7.1% GDP growth noong 2016, bumaba ito sa 6.9%, sinundan ng 6.3% at 6.1% sa mga sumunod na taon, na nagpapakita ng tuluy-tuloy na pagbagal.

Dagdag pa niya, labis ang pagtuon ng pamahalaan sa mga infrastructure project tulad ng mga kalsada, gusali, at flood control projects, na kadalasang may kaugnayan sa pork barrel. Dahil dito, aniya, nagiging maingat o umaatras ang ilang pulitiko sa pagpapatupad ng mga proyekto dahil sa takot na mabunyag ang mga anomalya. Ayon sa kanya, kahit hindi pa sumabog ang flood control scandal, malabo pa ring lumampas sa 5% ang economic growth ng bansa.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Africa na matagal nang bahagi ng mga proyekto ng pamahalaan ang korapsyon at hindi ito basta mawawala, kahit pa sa 2026 national budget o sa mga susunod pang halalan.

Sa kabila nito, naniniwala si Africa na maaari pang makabangon ang ekonomiya kung magkakaroon ng sapat na diskusyon sa tunay na suliranin at kung may matibay na pagtulak mula sa publiko upang palakasin ang agrikultura at industriya.

Aniya, kahit pa mawala ang korapsyon, mananatiling mabagal ang ekonomiya kung hindi gagawing pangunahing makina ng kaunlaran ang produksyon ng murang pagkain at ang paglikha ng disenteng trabaho para sa bawat Pilipino.