--Ads--

Humigit-kumulang P300,000 ang halaga ng kagamitan na tinupok ng apoy sa isang bahay sa Barangay Gappal, Cauayan City, dakong alas-7 ng umaga ngayong Pebrero 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCINSP. Francis David Barcellano, Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan, nakatanggap ang kanilang hanay ng tawag tungkol sa nasusunog na bahay kaya agad nilang pinadala ang mga bombero sa lugar.

Aniya, dahil gawa sa light materials ang ilang bahagi ng bahay, mabilis na kumalat ang apoy. Dagdag pa ni FCINSP.  Barcellano, ang may-ari ng bahay ay kasalukuyang nasa kanyang bukid at nagulat nang malaman na nasusunog na ang kanyang tahanan.

Idineklarang totally burned ng BFP Cauayan ang bahay. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente at hindi rin kumalat ang apoy sa mga katabing bahay.

--Ads--

Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP Cauayan ang sanhi ng nasabing sunog.