--Ads--

Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na idine-dismiss nila ang tatlong excise tax cases laban sa mag-asawang contractor na sina Sarah at Curlee Discaya, matapos matukoy na sila lamang ang mga consumer o buyer ng mga imported na sasakyan at hindi ang aktwal na importer.

Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, hindi maaaring panagutin ang mag-asawa sa tatlong reklamo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kaugnay sa hindi nabayarang excise tax sa kanilang mga imported na sasakyan.

Ang tatlong kasong ito ay kinasasangkutan ng anim na sasakyan na nakapangalan sa mag-asawa at sa kanilang kompanyang St. Gerrard Construction: 2 Land Rover Range Rovers, isang Cadillac Escalade, 2 Mercedes Benzes, at isang Dodge Ram Rebel.

Paliwanag ni Atty. Martinez, alam naman na ang excise tax ay dapat bayaran ng importer ayon sa batas, at nakita ng panel na hindi importer sina Sarah at Curlee kaya hindi sila mananagot sa hindi pagbabayad ng excise tax.

--Ads--

Samantala, ang dalawang tax cases laban sa mag-asawa na inihayag ng DOJ ay hindi pa naisasampa sa Court of Tax Appeals. Ayon kay Atty. Martinez, natukoy ng DOJ panel ng mga prosecutors na itinatago ng mag-asawa ang tunay nilang kita sa kanilang 2020 at 2021 Income Tax Returns.

Dagdag pa niya, dahil dito, isasampa ang kaso sa Court of Tax Appeals na may hurisdiksyon sa ganitong mga paglabag.