--Ads--

Nahulog sa gilid ng provincial road ang isang 6×6 truck na may kargang tubo sa Barangay Punit, Benito Soliven pasado alas-2:50 ng hapon nitong Pebrero 3, 2026, matapos umanong magkaaberya sa kambyo habang paakyat ang sasakyan.

Ayon sa Benito Soliven Police Station, ang truck na may plakang XFM 799 ay minamaneho ni Fernando Agacer, residente ng Zone 3, San Mariano, Isabela, kasama ang pahinanteng si Laylord Rosante nang mangyari ang insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCAPT. Ronnie Heraña, Acting Chief of Police ng Benito Soliven, binabagtas ng truck ang provincial road patungong San Mariano, Isabela nang mag-switch umano sa low gear ang drayber sa bahaging pataas ang daan. Gayunman, hindi pumasok ang kambyo dahilan upang dumausdos pababa ang truck hanggang tuluyang mahulog sa gilid ng kalsada.

Tinatayang nasa isa hanggang dalawang metro ang lalim ng pinaghulugan ng truck. Nilinaw naman ng pulisya na hindi malubha ang tinamong sugat ng drayber at pahinante.

--Ads--

Inaalam na rin ng mga awtoridad ang posibilidad na overloading ang isa sa mga naging sanhi ng aksidente.

Samantala, nagpaalala si PCAPT. Heraña sa lahat ng motorista na mag-ingat sa pagbibiyahe sa mga kalsada ng Benito Soliven, lalo na sa mga nagmamaneho ng malalaking truck na may kargang tubo.

Aniya, mahigpit na ipinapatupad ang ordinansa ng bayan na dapat takpan ng net ang mga tubo upang maiwasan ang pagkalaglag ng karga na maaaring magdulot ng aksidente.