--Ads--

Iginiit ng driver ng 10-wheeler truck na nakaparada sa gilid ng kalsada ang kanilang sasakyan at may nakalagay na warning device bago bumangga sa likuran nito ang isang Toyota Vios na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng isa pa sa Barangay Minante 2, Cauayan City, madaling araw nitong Agosto 9.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alyas Toto, driver ng 10-wheeler truck, sinabi nitong nakapagparada sila nang maayos sa gilid ng kalsada at nasa loob ng truck nang mangyari ang insidente.

Aniya, galing silang Gamu at patungo sanang Bambang nang magpasya silang magpahinga muna.

Ayon sa driver, natulog siya kasama ang kanyang pahinante at hindi niya namalayan ang pagbangga ng Toyota Vios sa kanilang truck.

--Ads--

Aniya, nagising na lamang siya nang makarinig at makitang may ambulansyang rumesponde sa lugar.

Iginiit din ni alyas Toto na hindi nakaharang sa anumang lane ang kanilang truck dahil mismong gilid umano ng kalsada ito nakaparada. Mayroon din umanong warning device na inilagay sa likuran ng kanilang sasakyan bilang babala sa mga paparating na motorista.

Sinabi pa nitong maliwanag ang lugar kung saan sila nakaparada at hindi nila inaasahan na mangyayari ang naturang aksidente. Labinlimang taon na umano siyang nagmamaneho ng truck at ngayon lamang siya nakaranas ng ganitong insidente.

Aminado naman si alyas Toto na labis siyang kinabahan nang makita ang nangyari, lalo na nang malaman ang sinapit ng mga sakay ng Toyota Vios.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari at ang iba pang posibleng dahilan ng aksidente.