Nasawi ang 10 taong-gulang na lalaki matapos mabangga ng truck ang sinasakyan nitong tricycle na minamaneho ng kaniyang ama sa kahabaan ng National Highway na nasasakupan ng Barangay San Felipe, City of Ilagan, nitong Pebrero 4, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Ilagan City Police Station, sangkot sa insidente ang tatlong sasakyan: isang Euro Daan Hari tricycle na kulay red/black na may blue sidecar at plakang B142PR na minamaneho ni Solomon Dela Cruz Jr. 39-anyos, kasama ang kanyang anak na si John Michael Dela Cruz, 10-anyos, estudyante; isang Sino Truck Howo na walang plaka na minamaneho ni Jovanie Navarro Jr. 30-anyos; at isang Toyota Fortuner na kulay silver metallic na may plakang NAZ 9895 na minamaneho ni Janelle Winli Lucero.
Ayon sa ulat, parehong tinatahak ng tricycle at ng truck ang direksyong patungo sa Ilagan Proper habang ang Fortuner naman ay mula sa kasalungat na direksyon.
Nang huminto ang tricycle sa tapat ng San Felipe Elementary School upang lumiko pakaliwa, nabangga ng truck ang likurang bahagi nito. Dahil sa lakas ng impact ay nasagi rin nito ang paparating na Fortuner.
Nagtamo ng pinsala ang driver ng tricycle habang ang kanyang anak ay agad na binawian ng buhay sanhi ng matinding injury na tinamo nito.
Ligtas naman ang mga driver ng truck at Fortuner. Lahat ng sasakyan ay nagtamo ng pinsala na hindi pa natutukoy ang halaga.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.










