--Ads--

Sinimulan na ng mga awtoridad ang imbestigasyon sa dalawang pulitiko mula sa Northern Luzon na pinaniniwalaang nasa likod at nagbibigay ng pondo sa mga iligal na pabrika ng sigarilyo.

Ito ay ibinahagi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla kasunod ng isinagawang raid sa isang bodega sa Mexico, Pampanga, kung saan nadiskubre ang mga sigarilyo, makinang panggawa ng sigarilyo, at mga tax stamp.

Ayon kay Remulla, ang naturang pasilidad ay matagal nang nagpapatakbo nang walang kaukulang permit at lisensya at naging aktibo sa buong buwan ng Enero 2026. Tinatayang umabot na sa P4.5 bilyon ang halaga ng mga sigarilyong kanilang nagawa.

Sinabi ni Remulla na pinaghihinalaang dalawang pulitiko mula sa Northern Luzon ang nagsisilbing utak at pangunahing financier ng operasyon at sila rin umano ang may kontrol sa iligal na kalakalan ng tabako sa lugar. Patuloy ring sinisiyasat ng mga awtoridad ang ulat na may humigit-kumulang sampung iba pang iligal na pagawaan ng sigarilyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

--Ads--

Dagdag pa niya, bahagi ang operasyon ng mas malawak at internasyonal na sistema, batay sa intelligence na nagmula pa sa Singapore at Indonesia, na nagpapakitang mas malaki ang saklaw ng sindikato kaysa sa inaakala.

Ipinaliwanag din ni Remulla na ang pagdami ng mga iligal na pabrika ng sigarilyo sa bansa ay iniuugnay sa mataas na excise tax sa tabako.

Batay sa ulat, tinatayang nawalan ang pamahalaan ng P30 bilyong kita mula sa buwis noong 2024 dahil sa bentahan ng mga sigarilyong hindi nabuwisan.

Tiniyak naman ni Remulla na patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan upang tuluyang mapahina at masugpo ang mga iligal na operasyon sa tobacco manufacturing.