--Ads--

Nagpaalala ang hanay ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 sa lahat ng mga motorista na maging responsable sa pagmamaneho matapos ang isang insidente kung saan nasuspinde ang isang driver na nagsagawa ng drifting sa rotonda ng Tuguegarao City.

Unang ipinag-utos ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, na agad na isyuhan ng Show Cause Order (SCO) kaugnay ng insidente.

Ang nasabing video ay nagpapakita ng isang Hyundai Genesis Coupe na gumagawa ng mapanganib na drifting maneuvers sa Tuguegarao City Rotonda, na lubhang nagbabanta sa kaligtasan ng publiko.

Bukod pa rito, natuklasan din na hindi nakasuot ng seatbelt ang driver sa oras ng insidente, at ang rehistro ng sasakyan ay nag-expire na noong Hulyo 23, 2024.

--Ads--

Ayon sa SCO, inatasan ang may-ari ng sasakyan at ang driver na pumunta sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa East Avenue upang ihain ang kanilang pormal na paliwanag kung bakit hindi sila dapat ma-charge sa mga paglabag sa batas trapiko.

Kabilang sa mga posibleng kasong maaaring ipataw ay ang reckless driving, paglabag sa mandatory use of seatbelt, at paglabag sa compulsory registration of motor vehicles.

Bukod pa rito, maaari ring ma-suspend o ma-revoke ang lisensya ng driver dahil sa pagiging improper person to operate a motor vehicle. Inatasan din silang dalhin ang sasakyan para sa kumpletong road worthiness inspection sa LTO.

Samantala, inihayag ni Vinancio Tuddao, tagapagsalita ng LTO Region 2, na ipinatupad na ang pansamantalang pagsuspinde sa lisensya ng driver sa loob ng siyamnapung (90) araw, at kailangan niyang isuko ito bago ang petsa ng pagdinig.

Ang sasakyan ay inilagay na rin sa “alarm status” upang pigilan ang anumang transaksyon hanggang sa matapos ang imbestigasyon. Kung hindi sila makakapunta o hindi makakapagbigay ng paliwanag sa nakatakdang araw, ituturing itong pagbabalewal sa kanilang karapatan na ipagtanggol ang kanilang sarili, at magpapatuloy ang imbestigasyon batay sa mga available na dokumento.