--Ads--

Inihayag ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes, Pebrero 5, na palalawakin nito ang paraan ng pagpapatayo ng mga silid-aralan ngayong taong 2026 sa pamamagitan ng mas aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan at public-private partnerships (PPPs), bilang tugon sa patuloy na kakulangan sa pampublikong paaralan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kasalukuyang may higit 8,000 silid-aralan ang itinatayo para sa 2024 at 2025, kung saan 3,600 na ang natapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Patuloy naman umanong mino-monitor ang natitirang mga proyekto upang matiyak ang agarang pagkumpleto at turnover sa mga paaralan.

Upang matugunan ang backlog ng hindi pa natatapos na classrooms, nagmungkahi ang DepEd ng P3.192 bilyon para sa 2026 national budget upang matapos ang 3,614 silid-aralan. Gayunman, P2.282 bilyon lamang ang inaprubahan ng Kongreso, na sapat para sa pagtatayo ng humigit-kumulang 2,067 classrooms.

Bilang bahagi ng paghahanda sa 2026, magsasagawa ang DepEd ng nationwide validation sa 384 paaralan na may mga hindi pa tapos na proyekto. Layunin nitong suriin ang pisikal na kondisyon ng mga gusali, natitirang gawain, kakulangan sa pondo, at kahandaan ng mga lugar na pagtatayuan.

--Ads--

Plano rin ng ahensya na palawakin ang mga opsyon sa school building projects, kabilang ang pakikipagtulungan sa mga LGU at pribadong sektor, gayundin ang paggamit ng alternatibong solusyon tulad ng pag-lease at rehabilitasyon ng mga umiiral na pasilidad.

Noong Pebrero 4, nakipagpulong si Angara sa mga mayor sa National Capital Region (NCR) upang talakayin ang mga panuntunan para sa school building projects sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), kabilang ang eligibility ng mga LGU at mga alternatibong pamamaraan upang mapabilis ang pagdaragdag ng silid-aralan.

Samantala, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na tinatayang 1,500 hanggang 2,000 silid-aralan ang maaaring maitayo sa ilalim ng bagong construction program na ipatutupad sa 2026.