Isang pampasaherong bus ang bumangga sa isang nakaparadang sedan at outpost ng Philippine National Police (PNP) matapos umanong mawalan ng kontrol ang driver habang umuulan, bandang alas-9:30 nito lamang gabi ng Sabado, Pebrero 7, sa Santiago–Tuguegarao Road patungong Mabini Circle, Barangay Rizal, Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Patrolman Bryan Pascua, Traffic Investigator ng Traffic Enforcement Unit, ang bus ay bumabagtas patungong Mabini Circle nang mawalan ng kontrol ang driver dahil sa madulas na kalsada at mahinang visibility dulot ng ulan. Dahil dito, sumalpok ang bus sa isang nakaparadang sedan na walang sakay sa harapan ng Port Platoon ng City Mobile Force Company ng Santiago City Police Office.
Nadamay rin sa insidente ang ilang ari-arian ng Port Platoon, kabilang ang mga steel barricade at ilang bahagi sa harapan ng pasilidad. Sa kabila nito, wala namang naiulat na nasugatan sa mga pasahero ng bus o sa iba pang indibidwal na nasa lugar ng aksidente.
Sinabi ni Patrolman Pascua na nagtamo ng pinsala ang bus sa harapang bahagi nito, habang ang sedan ay nasira sa left rear portion. Batay sa paunang pagtataya, posible umanong maituturing na total wreck ang nasabing sasakyan, subalit isasailalim pa ito sa masusing assessment ng mekaniko o pintor upang matukoy kung ito ay maaari pang kumpunihin o kinakailangang palitan.
Dagdag pa niya, maayos ang ilaw sa lugar ng aksidente dahil malapit ito sa isang ospital at sa mismong Port Platoon. Mayroon ding mga blinkers at ilaw sa mga barricade, subalit ang patuloy na pag-ulan sa oras ng insidente ay nagdulot ng poor visibility sa pagmamaneho.
Ang may-ari ng nasabing sedan ay isang pulis na nakatalaga sa Port Platoon at residente ng Cagayan, gayundin ang drayber ng pampasaherong bus.
Nagharap ang magkabilang panig sa himpilan ng Traffic Enforcement Unit noong gabi ring iyon at nagkasundo na sasagutin ng bus company ang pagpapagawa sa mga nasirang ari-arian ng Port Platoon. Kaugnay naman sa sedan, napagkasunduan na ipasusuri muna ito upang matukoy kung ito ay repairable o replaceable, at muling mag-uusap ang dalawang panig sa Lunes, Pebrero 9.
Sa kasalukuyan, naka-impound ang bus sa himpilan ng Traffic Enforcement Unit, habang ang sedan ay nananatili pa sa lugar ng insidente at hinihintay ang pagdating ng tow truck para mailipat sa himpilan.
Paalala naman ng hanay ng Traffic Enforcement Unit sa mga motorista, lalo na sa mga pampublikong sasakyan, na magdoble-ingat sa pagmamaneho lalo na tuwing masama ang panahon, panatilihin ang tamang bilis, at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang anumang aksidente.
Home Local News
Pampasaherong bus, bumangga sa nakaparadang sedan, PNP outpost sa Santiago City
--Ads--











