--Ads--

Prayoridad ngayon ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Cauayan ang pagsusuri sa lahat ng mga road construction projects na natapos na ng mga kontraktor.

Ito ay kasunod ng muling pagsasaayos ng isang kalsada sa Barangay District 1 matapos hindi pumasa sa itinakdang standard ng pagkakagawa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Ceasar “Jaycee” Dy Jr., sinabi niyang ito ang magiging legasiya niya at hindi siya papayag na maging palpak ang mga proyektong ipinatupad sa lungsod.

Aniya, mahalaga na maigi ang pagsusuri sa mga gawain ng mga kontraktor upang agad na maipagawa ang kinakailangang ayos sakaling may depekto o palpak sa konstruksyon.

--Ads--

Ayon sa alkalde, walang gagastusin ang lokal na pamahalaan sa pagsasaayos ng proyekto—ang responsibilidad ay mananatili sa mga kontraktor.

Sa kasalukuyan, maayos na umano ang naturang kalsada matapos itong ayusin ng kontratista, at tiniyak ng Alkalde na patuloy nilang pagbabantayan ang kalidad ng mga susunod pang proyekto.