Sinita ni Senator Raffy Tulfo ang Meta, ang parent company ng Facebook, sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media hinggil sa pagkalat ng “fake news” sa social media platforms.
Dumalo sa pagdinig si Berni Moestafa, Public Policy Head para sa Indonesia at Pilipinas ng Meta.
Tinanong ni Tulfo kung bakit hindi agad inalis ng Meta ang “deepfake” na post laban kay Pangulong Bongbong Marcos, na nag-circulate pa sa social media mula pa noong Pebrero 2.
Hindi nakayanan ng senador na hindi magalit dahil malinaw na pambabastos sa Pangulo ang post at hindi niya tinanggap ang paliwanag ng Meta na kasalukuyang pinoproseso pa ang pagtanggal nito.
Bago rito, nagreklamo rin si Tulfo sa Meta tungkol sa isang fake news na naka-attribute sa kanya laban sa isang politiko, na hanggang ngayon ay hindi pa naaaksyunan ng kumpanya kahit na agad niya itong ni-report.










