--Ads--

Isinagawa ng Land Transportation Office (LTO) ang unang batch ng administrative hearing para sa mga rider-participant ng BOSS Ironman Cup na ginanap sa Mindanao noong Enero 31 at Pebrero 1, 2026, na sumasaklaw sa Regions X, XI, at XII.

Sa 26 na rider na pinadalhan ng Show Cause Orders, 10 lamang ang dumalo sa pagdinig na isinagawa sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO.

Lahat ng 26 na rider ay pinatawan ng 90-day suspension ng lisensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Inatasan din silang isuko ang kanilang mga motorsiklo sa mga tanggapan ng LTO sa kani-kanilang rehiyon para sa masusing mainspeksyon upang matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan ng sasakyan at upang suriin kung may mga hindi awtorisadong accessories.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, kinikilala ng ahensya ang pakikipagtulungan ng mga rider na dumalo sa pagdinig. Gayunman, binigyang-diin niya na obligadong sumunod ang lahat ng sangkot sa mga itinakdang proseso ng regulasyon.

--Ads--

Dagdag pa niya, ang pansamantalang suspensyon ng lisensya at inspeksyon ng mga sasakyan ay kinakailangang hakbang upang matiyak ang pananagutan at mapanatili ang pamantayan sa kaligtasan sa kalsada habang patuloy na sinusuri ang mga ebidensya kaugnay ng mga umano’y paglabag, kabilang ang overspeeding, pagharang sa daloy ng trapiko, paggamit ng hindi awtorisadong kagamitan, at reckless driving.

Ang mga participant na hindi dumalo sa pagdinig ay ituturing na tumalikod sa kanilang karapatang magpaliwanag, at ang kaso ay isusumite na para sa resolusyon.