Matagumpay na nasabat ng Ninoy Aquino International Airport – Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang apat na abandonadong inbound parcel sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.
Idineklara ang mga padala bilang snacks, damit, libro, accessories, at iba pang kahalintulad na items na nagmula sa Thailand at Canada.
Gayunman, nang inspeksyunin ng mga awtoridad, nadiskubre ang Marijuana Kush na may kabuuang timbang na 3,776 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P5.6 milyon.
Natukoy ang iligal na droga ng Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng cargo X-ray screening at masusing manual inspection.
Kaagad namang isinuko ang mga nakumpiskang kontrabando sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa imbentaryo at kaukulang disposisyon.
Ayon kay Police Brig. Gen. Dionisio Bartolome Jr., Director ng Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), bagama’t may mga pagtatangkang magpuslit ng iligal na droga sa pamamagitan ng paliparan, hindi ito makakalusot dahil sa pinaigting na seguridad at operasyon ng mga awtoridad.











