Pinaluwag ng Bureau of Customs (BOC) ang mga patakaran sa pagbabantay ng kargamento matapos alisin ang requirement sa paggamit ng electronic customs seals (ECS) para sa mga kwalipikadong kumpanya sa ilalim ng container tracking system.
Sa ilalim ng Customs Memorandum Order (CMO) No. 4-2026, hindi na kailangang gumamit ng ECS ang mga Authorized Economic Operators (AEOs) na may Level 1 status sa ilalim ng Electronic Tracking of Containerized Cargo (E-TRACC) System. Layunin ng hakbang na magbigay ng insentibo sa mga sumusunod at mapagkakatiwalaang negosyante.
Ang E-TRACC system ay ginagamit upang subaybayan ang galaw ng mga container sa pamamagitan ng GPS-enabled seals upang maiwasan ang diversion at pakikialam sa kargamento habang ito ay dinadala sa loob ng bansa.
Binago rin ng bagong kautusan ang ilang probisyon ng naunang mga patakaran, kabilang ang CMO 9-2020 at CMO 4-2020, upang isama ang exemption para sa mga kwalipikadong shipment.
Nilinaw din ng BOC na saklaw ng exemption ang mga kargamentong papunta at mula sa mga free zone, kabilang ang mga shipment ng mga kumpanyang AEO-accredited at rehistrado bilang Registered Business Enterprises (RBEs) sa ilalim ng mga investment promotion agencies.
Gayunman, nananatiling ipinatutupad ang General Transportation Surety Bond sa ilalim ng Automated Bonds Management System para sa mga transit cargo, kahit na tinanggal na ang requirement sa tracking seal para sa ilang shipment.
Ayon sa BOC, layunin ng AEO program na pabilisin ang proseso sa customs sa pamamagitan ng mas mabilis na clearance, mas kaunting inspeksyon, at pagkilala sa internasyonal na antas para sa mga sumusunod na trader. Inaasahan ding makatutulong ito upang mapababa ang gastos sa logistics at mapabuti ang kalakalan sa bansa.
Ang bagong polisiya ay magkakabisa 15 araw matapos itong ipalabas noong Abril 7, 2026.











