Nagbigay ng maikling “good luck” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ianunsyo ni Vice President Sara Duterte ang plano nitong tumakbo bilang presidente sa 2028.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa isang press briefing, isang “good luck” at ngiti lang ang isinagot ng Pangulo matapos mapanood ang pahayag ni VP Sara.
Tungkol naman sa sinabi ni VP Sara na nagsisisi siyang tumulong sa kampanya, sinabi ni Castro na ang taumbayan ang naghalal kay Pangulong Marcos at hindi dapat solohin ni VP Sara ang kredito sa kanilang tagumpay, dahil nagtulungan sila sa UniTeam.
Dagdag pa ni Castro, makikita ng publiko kung sino ang aktibong nagtatrabaho: ang Pangulo bilang isang working president, kumpara kay VP Sara na abala sa mga biyahe kaysa sa pagtulong sa pag-angat ng bansa at mga Pilipino.
Sa mga pahayag ni VP Sara tungkol sa katiwalian, bumuwelta si Castro at sinabi na dapat humingi muna ng tawad si VP Sara para sa sarili nito, lalo na’t hindi pa naipaliwanag ang paggamit ng confidential funds at iba pang isyu.
Ipinunto rin ni Castro na mas dapat humingi ng tawad si VP Sara sa mga biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyon ng kanyang amang si dating Pangulong Duterte, pati na rin sa mga biktima ng malawakang pagbaha na hindi natugunan ng mga flood control projects noong nakaraang administrasyon.
Pinaalala rin ni Castro ang mga kontrobersyal na pahayag at aksyon ni VP Sara, tulad ng pagbabanta sa buhay ng Pangulo at iba pang mga lider, ang pagpapakalat ng fake news, at ang mga personal na biyahe at gastusin ng P7 milyon para sa kanyang staff at seguridad.











