--Ads--

Nahaharap sa ikaapat na impeachment complaint si Vice President Sara Duterte matapos magsampa ng reklamo si Atty. Nathaniel Cabrera sa Office of the House Secretary General nitong Miyerkules, Pebrero 18.

Ito ay may kaugnayan sa culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang matataas na krimen na nagawa umano ni Duterte.

Inihain ang reklamo ilang oras matapos ihayag ng Bise Presidente ang kanyang balak na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 national elections.

Inendorso ang ikaapat na reklamo nina House Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V at Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr..

--Ads--

Batay sa reklamo, kabilang sa mga isyu ang naunang pahayag umano ni Duterte na kumuha siya ng isang assassin upang patayin ang Pangulo, ang Unang Ginang, at dating House Speaker na si Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.

Kabilang din sa mga alegasyon ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi umano tapat at kumpletong paghahain ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), panunuhol, at asal na hindi umano naaayon sa dignidad at tungkulin ng isang Bise Presidente.

Ilan sa mga ebidensyang binanggit sa reklamo ay ang sinumpaang salaysay ni Ramil Madriaga, na nagsabing siya umano ang “bagman” ng Bise Presidente; mga opisyal na liquidation at accomplishment report ng Office of the Vice President at Department of Education; notice of disallowance at audit observations ng Commission on Audit; mga sertipikasyon mula sa Philippine Statistics Authority hinggil sa mga sinasabing tumanggap ng confidential funds; at mga transcript ng pagdinig sa Kongreso.

Sa panig naman ng kampo ni Duterte, sinabi nitong Miyerkules ng gabi na nakatanggap na sila ng impormasyon hinggil sa paghahain ng ikaapat na impeachment complaint.

Samantala, nakabinbin pa sa tanggapan ng House Speaker ang unang tatlong impeachment complaints laban kay Duterte.

Ayon kay House Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor, may hanggang Marso 2 ang House Speaker upang maisama ang mga reklamo sa order of business ng House plenary.

Kapag naisama, irerefer ang mga reklamo sa House Committee on Justice upang pormal na masimulan ang impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.