Patuloy ang malawakang search and retrieval operations sa gumuhong bahagi ng Rizal Provincial Sanitary Landfill sa Sitio 1B, Harangan, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal, matapos ang pagguho nito noong Biyernes ng hapon, Pebrero 20.
Batay sa paunang ulat, tatlong indibidwal ang naiulat na nawawala matapos matabunan ng tambak ng basura, ayon sa mga lokal na awtoridad at sa Office of Civil Defense. Gayunman, hindi pa ito pormal na nakukumpirma habang nagpapatuloy ang rescue at validation efforts.
May mga ulat din mula sa ilang residente at urban poor groups na posibleng umabot sa 50 ang nawawala, kabilang ang mga waste pickers na nagtatrabaho sa loob ng pasilidad. Sa ngayon, wala pang opisyal na datos na nagpapatunay sa naturang bilang.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB), nagtalaga na sila ng mga tauhan upang imbestigahan ang insidente at suriin kung sumusunod ang landfill operator sa mga kondisyon ng Environmental Compliance Certificate (ECC). Nag-utos din ang EMB ng agarang stabilization measures, tulad ng pagle-level at paglalagay ng slope sa bahaging gumuho, upang maiwasan ang karagdagang pagguho.
Ayon sa Rodriguez MDRRMO, naka-24/7 alert status sila at tuloy-tuloy ang search operations, katuwang ang iba’t ibang ahensya, upang mahanap ang mga nawawala at matugunan ang epekto ng insidente.
Habang isinasagawa pa ang beripikasyon sa bilang ng mga naapektuhan at nawawala, nananawagan ang mga residente at progresibong grupo ng malinaw, transparent, at agarang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagguho at anumang posibleng paglabag sa mga pamantayan sa kaligtasan.











