Mariing itinanggi ni chairman George Erwin Garcia ng Commission on Elections (Comelec), ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa alegasyong umano’y may ilang opisyal ng pamahalaan na tumanggap ng pera mula kay Zaldy Co.
Matatandaang lumutang ang pangalan ni Garcia sa press conference ng 18 nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marine Corps, na nag-claim na nagdala sila ng mga maleta na naglalaman ng milyon-milyong piso para sa iba’t ibang opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Garcia, malinaw sa pahayag ng mga dating sundalo na wala silang maibigay na tiyak na detalye kung kailan umano naganap ang sinasabing pagbibigay ng pera. Aniya, dapat nakasaad sa anumang akusasyon ang eksaktong petsa at oras ng insidente.
Para kay Garcia, hindi makatuwiran ang paratang dahil wala namang naganap na transaksyon at hindi totoo ang alegasyon.
Dahil dito, pinag-iisipan na rin niyang magsampa ng kaso laban sa 18 nagpakilalang miyembro ng Philippine Marines. Gayunpaman, aminado siyang naaawa sa mga ito dahil naniniwala siyang posibleng ginagamit lamang sila ng ilang indibidwal na may pansariling interes o agenda.











