Itinanggi ni dating ACT Teachers party-list representative France Castro ang alegasyong tumanggap siya ng male-maletang pera mula kay Zaldy Co, at tinawag itong taktikang pusit na layong ilihis ang atensyon ng publiko sa mga umiinit na isyu laban sa mga Duterte.
Iginiit ng dating ACT Teachers party-list representative na walang katotohanan ang affidavit ng 18 dating Marines na nagsasabing siya at ilan pang mambabatas ay nakatanggap umano ng pera mula kay Co. Ayon kay Castro, nabigla siya nang isama ang kanyang pangalan at ang mga dating kasamahan sa Makabayan bloc na sina Raoul Manuel at Arlene Brosas sa naturang dokumento.
Ayon kay Castro, malinaw na distraksyon ang isyu sa gitna ng kasalukuyang pagdinig ng International Criminal Court kaugnay ng kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa nakatakdang pagsisimula ng impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Sinabi rin ng dating mambabatas na patuloy nilang susuriin ang pinagmulan ng alegasyon ngunit hindi sila magpapalihis sa paniningil ng pananagutan, kabilang ang usapin ng umano’y maanomalyang paggamit ng P125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022.
Matatandaang si Castro ang unang nagbukas ng isyu hinggil sa nasabing confidential funds sa pagdinig ng panukalang pambansang badyet para sa 2024. Kabilang din siya sa mga naghain ng reklamo sa unang impeachment case laban kay Sara Duterte.
Sa kabila ng alegasyon, iginiit ni Castro na mananatili silang nakatuon sa pagsusulong ng pananagutan at paghingi ng katarungan para sa mga biktima ng extrajudicial killings.










