Iminungkahi ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela ang pagbuo ng isang Technical Working Group (TWG) na maglalayong pag-isahin at i-standardize ang lahat ng lokal na ordinansa sa trapiko sa buong lalawigan.
Ito ang kinumpirma ni Vice Governor Kiko Dy sa ginanap na consultative meeting ngayong araw kasama ang mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO), Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga lokal na alkalde.
Ayon kay Dy, layunin ng hakbang na ito ng sanggunian na magkaroon ng iisang pamantayang panuntunan sa kalsada upang mas maging epektibo ang “prevention,” o pag-iwas, sa mga sakuna sa lahat ng bayan at lungsod sa Isabela.
Ang inisyatibong ito ay kasunod ng ulat ni Public Order and Safety Officer Kim Patrick Agbayani na nagpapakita ng malaking pagbaba sa road crashes sa lalawigan.
Mula Pebrero 9–20, 2026, naitala ang 28.5% na pagbaba sa bilang ng mga aksidente kumpara sa mga nakaraang buwan.
Ayon kay Agbayani, ang tagumpay na ito ay resulta ng Executive Order No. 10 ni Governor Rodito Albano, na nag-atas ng reorganization ng Isabela Road Safety Council matapos lumabas na ang lalawigan ang pumangalawa sa may pinakamataas na bilang ng vehicular accidents sa buong rehiyon.
Sa kasalukuyan, aktibo nang nakadeploy ang Isabela Road Safety Operations Team, katuwang ang PNP, HPG, at LTO.
Binigyang-diin din ng bise gobernador ang kahalagahan ng pagsunod ng publiko sa mga umiiral na patakaran sa kalsada, tulad ng pagsusuot ng helmet at pagpaparehistro ng sasakyan, upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng motorista at pasahero sa lalawigan.
Source: Isabela PIO











