--Ads--

Maayos at sistematikong nailatag ng prosekusyon ang mga ebidensya sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ginaganap na confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Neri Colmenares, national chairperson ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), sinabi niya na batid umano ng dating pangulo ang malawakang kaso ng patayan sa bansa, lalo’t may mga naging pahayag ito noon hinggil sa promosyon at maging “amnesty” sa trabaho, partikular sa hanay ng kapulisan, kung maisasakatuparan ang kanyang mga plano.

Ayon kay Colmenares, maayos na “natahi” ng prosekusyon ang mga ebidensya at malinaw na naipakita ang mga supporting documents ng bawat iniharap na patunay.

Binigyang-diin din niya na ang kasalukuyang pagdinig ay hindi pa ang mismong paglilitis, kundi isang paunang yugto upang alamin kung may sapat at matibay na ebidensya upang ituloy ang kaso.

--Ads--

Hindi rin umano malinaw kay Colmenares kung bakit may ilang nagsasabing mahina ang ebidensya laban sa dating pangulo. Aniya, marami at malinaw ang mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon.

Sa kabilang panig, iginiit niya na tila kulang umano ang depensa ng kampo ni Duterte. Wala aniyang maayos na tugon o malinaw na opening statement ang depensa kaugnay sa akusasyong maraming namatay at iniuugnay ang utos sa dating pangulo. Dagdag pa niya, wala rin umanong inilatag na ebidensya ang kampo ni Duterte upang pasubalian ang mga paratang.

Giit ni Colmenares, mas matibay sa ngayon ang kaso ng prosekusyon kaysa sa depensa.

Tungkol naman sa alegasyon ng depensa na “spliced soundbites” ang ilan sa mga ebidensyang iniharap, sinabi ni Colmenares na makikita umano ang dalawang anyo ng dating pangulo—ang matapang na nagsasabing “kill, kill, kill” noong kampanya, at ang bersyon na nagsasabing depensa lamang ang kanyang mga naging pahayag.