Humarap nitong Miyerkules, Setyembre 16, 2026, si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ikatlong status conference ng kaniyang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court o ICC sa The Hague, Netherlands.
Ito ang unang pampublikong paglitaw ng 81-anyos na dating pangulo matapos ang mahigit isang taon mula nang huli siyang makita sa pamamagitan ng video link noong Marso 2025, kasunod ng kaniyang pagkakaaresto.
Personal na dumalo si Duterte sa courtroom matapos linawin ni Presiding Judge Joanna Korner ng ICC Trial Chamber III na inaasahan ang kaniyang presensya matapos maisumite ng mga medical expert ang kanilang evaluation reports.
Tinalakay sa pagdinig ang mga timetable para sa paghaharap ng mga testigo, pagpapalitan ng ebidensya ng magkabilang panig, at iba pang paghahanda bago ang pormal na paglilitis na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30, 2026.
Nahaharap si Duterte sa mga sakdal na crimes against humanity kaugnay ng mga alegasyon ng malawakang pagpatay sa ilalim ng kaniyang kampanya laban sa ilegal na droga, mula sa panahon niya bilang alkalde ng Davao City hanggang sa pagiging pangulo ng bansa.
Nananatili si Duterte sa kustodiya ng ICC mula nang siya ay maaresto noong nakaraang taon batay sa warrant ng korte, habang nagpapatuloy ang mga legal at medikal na apela ng kaniyang defense panel.










