Inihayag ng pamunuan ng National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) na kinakailangang bawasan ang fish cage operations sa Magat Dam dahil sa pagtaas ng antas ng E. coli bacteria na maaaring makaapekto sa kalidad ng tubig at sa mga isda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division, sinabi niyang umabot na sa maximum level ang E. coli bacteria sa tubig ng dam. Ayon sa kanya, posibleng nagmumula ito sa dumi mula sa mga fish cage operation, lalo na’t may ilang operator na doon na rin naninirahan.
Nilinaw naman niya na kailangang mabawasan o ma-minimize ang bacteria at maisaayos ang operasyon sa lugar upang mapanatili ang kalinisan ng tubig.
Iginiit din niya na walang problema sa pag-aalaga ng isda sa Magat Dam, subalit hindi dapat tirhan ang mga fish cage dahil ang mga naiiwang dumi ay direktang napupunta sa tubig.
Dahil dito, posibleng ipatanggal ang mga floating house sa lugar, ngunit magkakaroon muna ng koordinasyon sa mga mangingisda at iba pang kinauukulang ahensya bago ito ipatupad.
Ayon pa kay Ablan, maaaring maging delikado sa kalusugan ang isdang kontaminado ng E. coli kapag hindi ito naluto nang maayos, kaya posibleng maapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Magat Dam kung hindi agad masosolusyunan ang problema.










